Pinabalik na sa Japan ng Bureau of Immigration ang isang haponesang wanted sa awtoridad dahil sa kaso ng pagnanakaw.
Ayon kay Immigration Commissioner Norman Tansingco pinaalis na ng bansa ang Japanese national kaninang umaga na kinilalang si Risa Yamada, 26 anyos, lulan ng Japan Airlines flight patungong Narita.
Nagpalabas ng warrant of arrest ang Tokyo Summary Court laban kay Yamada noong September 15, 2022 sa kasong theft.
Base pa sa impormasyon, nakipagsabwatan si Yamada sa iba pang suspek upang magnakaw ng data mula sa ATM cards ng mga biktima na kanilang naloko matapos magpanggap na mga kawani ng bangko at police officers.
Naaresto si Yamada ng fugitive search unit ng BI noong Enero 9 sa Roxas Blvd. Pasay City habang nilagay na sa black list ng BI ang haponesa upang hindi na maaaring makapasok ng bansa. | ulat ni Paula Antolin