Patuloy pang dumarami ang mga nasasampolan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa unang araw ng pagpapatupad ng Exclusive Motorcycle Lane Policy sa Commonwealth Avenue sa Quezon City, ngayong araw.
Batay sa datos ng MMDA kaninang ala-5 ng hapon, pumalo na sa 1,391 ang bilang ng mga lumabag sa naturang patakaran.
Mula sa nasabing bilang, nasa 532 sa mga ito ay mga gumagamit ng motorsiklo na hindi dumaraan sa itinalagang lane para sa kanila.
Habang aabot naman 859 ang bilang ng 4-wheeled private vehicles, na patuloy na dumaraan sa exclusive motorcycle lane sa kabila ng kaliwa’t kanang mga palatandaang inilatag dito.
Paalala naman ng MMDA, P500 ang multa para sa mga motorsiklo at 4-wheeled private vehicles na lalabag habang nasa P1,200 naman ang ipapataw na multa para sa public utility vehicles (PUVs). | ulat ni Jaymark Dagala