Nagbabala ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa publiko.
Ito’y may kaugnayan sa mga kawatan na ginagamit ang kanilang pangalan para makapanloko ng kapwa.
Batay sa abisong inilabas ni CAAP Director General, Capt. Manuel Antonio Tamayo, hindi kailanman gagawin ng kanilang mga opisyal at kawani ang mag-solicit ng anumang bagay lalo na ng pera sa sinumang tao o grupo.
Giit pa ni Tamayo, hindi nila kukunsintihin ang ganitong klaseng aktibidad at tiniyak na pananagutin sa batas ang mga nasa likod nito.
Kasunod niyan, hinikayat ni Tamayo ang publiko na huwag mag-atubiling i-ulat sa kanila o sa mga awtoridad kung may lalapit at magpapakilalang konektado sa CAAP at manghihingi ng kung anu-ano sa kanila. | ulat ni Jaymark Dagala