Hinimok ni Camarines Sur Rep. LRay Villafuerte ang Kamara at Senado na samantalahin ang Holy Week break ng Kongreso para pagpulungan ang Charter Change.
Ayon sa mambabatas maaaring ituloy na ng dalawang kapulungan ang naudlot na pulong sa pagitan ng Constitutional Amendments Committee habang naka-break ang sesyon upang ipakita ang sense of urgency o kahalagahan na ma-amyendahan na ang konstitusyon.
Mahalaga aniya na gumulong na ang Cha-Cha kung nais makasabay ang Pilipinas sa bugso ng foreign direct investment na tinatamasa ngayon ng mga karatig na bansa sa rehiyon.
Paalala ni Villafuerte, hangga’t nananatili ang restrictive economic provisions ng Saligang Batas ay hindi ito maisasakatuparan.
“Holding the called-off meeting on RBH 6 and HB 7325 even during the summer break of the Congress will drive home the message on the urgency of constitutional reform, given that we cannot hope to replicate the inrush of FDIs (foreign direct investments) to our more vibrant neighbors for so long as we remain stuck with the antiquated economic provisions of our Constitution on restricted foreign participation in Philippine businesses that that have put off investors,” ani Villafuerte.
Muli naman nitong binigyang diin ang kahalagahan na gawing bukas sa publiko ang gagawing pulong. | ulat ni Kathleen Jean Forbes