Nakahanda na ang Commission on Elections (COMELEC) sa idaraos na plebisito para sa dalawang barangay sa Marawi City, Lanao del Sur sa Sabado sa mga barangay ng Boganga at Sagonsongan.
Base sa record ng COMELEC, tinatayang nasa 1,472 registered voters ang naitala mula sa dalawang barangay, 992 na botante sa Barangay Boganga habang 480 na botante sa Barangay Sagonsongan.
Magsisimula ang botohan alas-7 ng umaga hanggang alas -3 ng hapon gamit ang manual system ng pagboto.
Aalamin ng COMELEC kung ang mga botante sa barangay Boganga ay pabor o hindi, na gumawa ng panibagong barangay na tatawaging Barangay Boganga II sa pamamagitan ng pagsagot ng YES (OO) at NO (HINDI).
Gayundin sa paggawa ng panibagong barangay na tatawaging Barangay Datu Dalidigan na hihiwalay sa Barangay Sagonsongan.
Agad namang isasagawa ang pagbibilang ng boto ng Plebiscite Committees (PlebCom) pagkatapos ng voting hours. | ulat ni Paula Antolin