Dadalo si House Constitutional Amendments Committee Chair Rufus Rodriguez sa isasagawang public hearing ng Senado sa Lunes, March 20 patungkol sa Resolution of Both Houses (RBH) No. 6 o panukalang pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon kay Rodriguez, inimbitahan siya ni Senate Constitutional Amendments and Revision of Codes Chair Robinhood Padilla sa pagdinig.
Sasamantalahin aniya ito upang ipaliwanag sa mga senador at sa publiko ang itinutulak na economic Cha-cha.
Pagtitiyak pa nito na tanging ang economic provisions lamang ng konstitusyon ang isinusulong nilang baguhin.
“I will attend it. I will explain to senators and the public that our intention in our Charter change initiative, as repeatedly stated by Speaker Martin Romualdez, is to rewrite the economic provisions so the country could attract more foreign investments. That is our only objective. We do not want the other parts of the Constitution to be touched.” ani Rodriguez.
Imumungkahi rin ni Rodriguez kay House Speaker Martin Romualdez na agad i-transmit sa Senado ang House Bill 7352 o implementing bill ng RBH 6 na inaprubahan ng Kamara nito lamang Martes sa botong 301 affirmative votes.
Ito ay upang maisama na rin sa pagdinig ng komite ni Padilla ang panukala.
Dagdag pa ng Cagayan de Oro solon, nilimitahan nila sa pitong buwan ang constitutional convention upang tapusin ang amyenda. Ito ay patunay na tanging pang-ekonomiyang probisyon lamang ng saligang batas ang nais nilang baguhin.
“In the bill, we are giving the constitutional convention seven months to finish its job. The deadline is the best proof that we want this effort to be limited to the economic provisions. Rewriting the other parts of the Charter would entail a longer, perhaps an open-ended period. If they could do it in three months to five months, the better for the country, the less expense the convention would require,” dagdag ni Rodriguez. | ulat ni Kathleen Forbes