Isinusulong ni Senador JV Ejercito na maimbestigahan ang mga ulat ng ‘unprofessionalism’ at ‘inefficiency’ sa departure protocols at procedures ng Bureau of Immigration (BI) para sa mga international-bound passenger.
Inihain ni Ejercito ang Senate Resolution 560 bilang tugon sa insidente kamakailan ng mga Filipino traveler na na-miss ang kanilang flight dahil sa hindi makatuwirang departure protocol at procedure ng BI.
Ayon kay Ejercito, kailangan nang agad na marebyu ang mga proseso at departure protocols na pinapatupad ng BI para hindi na maulit ang mga parehong insidente.
Ito ay para matiyak rin aniyang protektado ang right to travel ng mga Pilipino.
Una nang ipinaliwanag ng BI na ang lumalalang sitwasyon ng human trafficking at illegal recruitment sa bansa ang nag-udyok sa ahensiya na magpatupad ng mas mahigpit ng panukala sa mga pasaherong umaalis ng bansa.
Sa kabila nito, una na ring nakwestiyon ng mga mambabatas ang datos ng BI na nagsasabing sa 32,404 Pinoy na naantala ang pag-alis noong 2022, 472 pasahero lang ang napatunayang biktima ng human trafficking at illegal recruitment.
May kabuuhang 873 biyahero naman ang nahuli na nagsisinungaling o nagpresenta ng mga pekeng dokumento.
Sinabi ng senador na kailangan nang suriin na ang “outdated” na Philippine Immigration Act at ang modernisasyon at propesyonalisasyon ng BI. | ulat ni Nimfa Asuncion