Muling itinulak ni Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr. ang Constituent Assembly (ConAss) bilang paraan ng pag-amyenda sa Saligang Batas.
Ayon sa Pampanga solon, pinakamabilis, matipid at kontroladong paraan ng Charter Change ang ConAss.
Kung Constitutional Convention kasi aniya ang gagawin na isinusulong ng Kamara ay hindi mapipigilan ang mga delegado na magsulong ng iba pang amyenda gaya sa political provision ng Saligang Batas.
“I agree with Senate President Migz (Juan Miguel) Zubiri that a con-con will have plenary powers, including proposing political amendments. Congress will have no control over a con-con. So should we not instead convene as a con-ass?” ani Gonzales
Dagdag pa ng kinatawan, kung ConAss ang gagamiting pamamaraan, sa resolusyon na ipapasa ay maaari nang malinaw na isaad na tanging economic provisions lang ng Konstitusyon ang aamyendahan.
“We could agree under a joint resolution to limit the effort to rewriting the economic provisions. I think there is consensus on that in both chambers. Any political amendment proposal will be immediately rejected,” dagdag ng Deputy Speaker.
Maliban dito, matutugunan din aniya ng ConAss ang alinlangan ng ilang malalaking business group hinggil sa malaking gastos ng ConCon.
Sa ConAss kasi aniya ay hindi na kailangan ng eleksyon para sa mga delegado, at wala na rin dagdag na sweldo o allowance para sa mga ito
.“As for the expenses, these would be minimal, since there would be no need for an election, unlike in a constitutional convention, no additional salaries and allowances, no additional personnel. Whatever expenses that may be incurred, we could charge them to our own budget,” dagdag NG mambabatas.
Kumpiyansa rin si Gonzales, na magagawa nilang matapos ang amyenda sa loob lamang ng ilang buwan at maihahabol pa ang plebesito sa October 2023 Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Inihain ni Gonzales ang Resolution of Both Houses 1 para amyendahan ang 1987 Constitution sa pamamagitan ng ConAss. | ulat ni Kathleen Forbes