Inaasahan ng Department of National Defense (DND) na ikukunsidera ng Estados Unidos ang karagdagang Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA) projects sa bansa.
Ito ang inihayag ni DND Officer in Charge Sr. Undersecretary Carlito Galvez Jr. sa groundbreaking Ceremony ng Basa Airbase Runway Rehabilitation Project sa Pampanga kahapon.
Ang rehabilitasyon ng 2.5 kilometrong basa Airbase runway at iba pang inprovements, kasama ang pagtatayo ng Air Operations Center ay may kabuuang halagang halos $28-milyong dolyar o mahigit ₱1.5-bilyong piso.
Ayon kay Galvez, sa 15 aprubadong EDCA projects, lima ang nakumpleto na, lima ang kasalukuyang isinasagawa, at lima ang malapit nang simulan.
Sa ngayon aniya ay $83-milyong dolyar o ₱4.56-na bilyong piso na ang inilaan ng Estados Unidos sa iba’t ibang EDCA projects sa bansa.
Sinabi ni Galvez na inaasahan ng pamahalaan ang napapanahong pagkumpleto sa lahat ng mga EDCA projects dahil makakatulong ang mga ito sa AFP sa pagtataguyod ng soberenya at territorial Integrity ng bansa, at pagtugon sa mga natural na kalamidad. | ulat ni Leo Sarne