Pinawi ni Finance Secretary Benjamin Diokno ang pangamba ng publiko sa kinahaharap ngayong hamon ng US banking system kasunod ng pagbagsak ng Silicon Valley Bank.
Giit ni Diokno, hindi ito makaaapekto sa ekonomiya ng Pilipinas.
Sa mensahe na ipinadala ng kalihim sa media, sinabi nito na nanatiling “sound and well capitalized” ang Philippine banking system.
Aniya wala rin napaulat na exposure na kahit na anong Philippine banks sa Silicon Valley Bank.
Sa katunayan aniya agad na napigilan ng Federal at US finance authorities ang banking turmoil sa Amerika.
Una nang inihayag ng Bankers Association of the Philippines na walang epekto ang pagbagsak ng dalawang bangko sa Estados Unidos sa Philippine banking system. | ulat ni Melany Valdoz Reyes