Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang tuloy-tuloy na distribusyon nito ng ayuda sa lumalawak pang bilang ng mga pamilyang apektado ng oil spill.
Sa pinakahuling tala ng DSWD, as of March 20 ay aabot na sa higit ₱42.6-milyong ayuda ang naipamahagi ng DSWD katuwang ang LGUs at NGOs sa higit 32,000 na pamilya sa MIMAROPA at Western Visayas.
Ayon kay DSWD Secretary Rex Gatchalian, mga LGU na ang nangunguna sa simultaneous na distribusyon ng family food packs.
Pinakahuli ang ipinamahagi sa Oriental Mindoro nitong weekend na 2nd wave ng ayuda sa may 20,540 pamilya sa 119 apektadong barangays.
Sa ngayon ay nakahanda na rin aniya ang 3rd at 4th wave ng family food packs na planong ipamahagi sa mga susunod na weekend hanggang sa April 9.
Nauna nang iniulat ng DSWD na may nakahanda itong higit sa ₱2-bilyon pang relief resources para sa pangangailangan ng mga naapektuhan ng oil spill. | ulat ni Merry Ann Bastasa