Sumampa pa sa higit ₱21-milyon ang halaga ng ayudang naipamahagi ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa mga lalawigang naapektuhan ng oil spill.
Ibinigay ang ayuda sa mga residente mula sa 126 na apektadong baragay sa MIMAROPA at Western Visayas.
Kaugnay nito, sa pinakahuling datos mula sa DSWD Disaster Response Operations Monitoring and Information Center, as of March 16, ay umakyat pa sa 32,056 ang bilang ng mga pamilya o katumbas ng 147,248 na indibidwal ang apektado ng oil spill incident.
Nauna nang iniulat ng ahensya na bukod sa family food packs, ay tuloy-tuloy rin ang distribusyon nito ng cash assistance gaya ng emergency cash transfers, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at ang Cash-for-Work Program sa mga nawalan ng pagkakakitaan. | ulat ni Merry Ann Bastasa