Bilang bahagi ng relief operations ay tuloy-tuloy pa rin ang distribusyon ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng financial assistance sa mga pamilyang naapektuhan ng oil spill incident sa mga lalawigan ng Oriental Mindoro, Palawan, at Antique.
Kabilang sa ipinamamahaging ayuda ang emergency cash transfers, Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS), at pati na ang cash-for-work program.
Ayon sa DSWD, mayroon nang 865 na pamilya sa Antique ang nakatanggap ng Emergency Cash Transfers (ECT) na nagkakahalaga ng ₱8,122 kada household.
Higit sa ₱7-milyong halaga na rin ng cash-aid ang nailabas ng ahensya sa simultaneous payouts sa mga barangay ng Tinogboc, Semirara, at Alegria sa Caluya.
Sa MIMAROPA naman ay nakapaghatid na rin ang ahensya ng aabot sa halos ₱10-milyong halaga ng ayuda sa ilalim ng AICS program.
Kabilang sa nakatanggap ng tig-₱5,000 cash-aid ang 1,742 na residente ng Barangays Algeciras at Concepcion sa Agutaya, Palawan at 643 benepisyaryo mula sa Bongabong, Oriental Mindoro.
Ongoing rin ang Cash-for-Work (CFW) Program kung saan isasama na rin ang mga apektadong residente mula sa Bongabong at Bansud.
Bukod sa cash assistance, nagpapatuloy pa rin naman ang pamamahagi nito ng family food packs at mga non-food items sa mga residente.
Sa kabuuan, aabot na sa higit ₱20-milyong halaga ng humanitarian assistance ang naihatid ng DSWD sa mga apektadong lalawigan bunsod ng oil spill. | ulat ni Merry Ann Bastasa