Simula ngayong araw, March 27, maghihigpit na ang Metropolitan Manila Development Authority at QC Traffic and Transport Management Department (TTMD) sa implementasyon ng motorcycle lane sa kahabaan ng Commonwealth Ave., sa Quezon City.
Pinangunahan nina MMDA Traffic Enforcement Group Dir Atty. Victor Nunez at QC TTMD OIC Dexter Cardenas ang briefing sa humigit kumulang 100 traffic enforcers na magbabantay sa pagpapatupad ng naturang exclusive lane.
Pagpatak naman ng alas-6 ng umaga, nagsimula nang pumwesto ang mga enforcer mula sa Elliptical Road hanggang Doña Carmen na agad na may nasampolang mga motorista na lumagpas sa motorcycle lane.
Ayon kay Atty. Victor Nunez, umaasa silang mas kakaunti na ang masisita ngayon dahil may sapat namang panahon na ibinigay sa mga motorista para mapaintindi ang exclusive motorcycle lane.
Ipinunto rin nito ang pinaka-layon ng hakbang na maitaguyod ang road safety at disiplina sa mga motorista lalo na sa Commonwealth Avenue na takaw disgrasya.
Nasa P500 ang multang ipapataw sa mga motorista na mahuhuling lalabag sa naturang exclusive motorcycle lane. | ulat ni Merry Ann Bastasa