Nasa kamay na ng House Committee on Ethics ang desisyon kung pagbibigyan ang dalawang buwan na Leave of Absence na hiling ni Negros Oriental Representative Arnolfo “Arnie” Teves Jr.
Sa pahayag ni House Secretary General Reginald Velasco, kaniya nang ipinadala ang letter-request ni Teves sa Ethics committee na pinamumunuan ni COOP NATCCO Representative Felimon Espares.
“It’s up to the panel to decide on this and any other requests Congressman Teves may make since it has already acquired jurisdiction on the matter. The Speaker stressed that Congressman Arnie’s case is now at the House Committee on Ethics and reiterated his position for the lawmaker to return to the country,” saad ni Velasco.
Una nang sinabi ni House Speaker Martin Romualdez kay Atty. Ferdinand Topacio, legal counsel ni Teves na ang Ethics committee na ang may hurisdiksyon o humahawak sa usapin ng pagliban ng Negros Oriental solon.
At ano man ang maging desisyon ng komite ay agad niyang aaksyunan.
“The Committee on Ethics has already acquired jurisdiction on Congressman Arnie’s case. I will act accordingly after the Committee wraps up its investigation and submits its recommendation to the House leadership,” ani Speaker Romualdez.
Miyerkules nang hingin ni Teves sa Kamara na payagan itong mag-leave ng dalawang buwan matapos na hindi mapagbigyan ang kanyang hiling na palawigin ang kanyang travel authority na napaso na noong March 9.
Si Teves ay iniuugnay sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes