Kinumpirma ng Energy Regulatory Commission o ERC na nakatakda na nitong aksyunan ang petisyon sa taas singil ng National Power Corporation.
Sa pandesal forum, sinabi ni ERC Chair Atty. Monalisa Dimalanta na nakahanay na sa agenda ng komisyon ngayong buwan ang pagdedesisyon sa hirit ng NAPOCOR partikular sa Universal Charge Missionary Electrification Rate o UC-ME.
Paliwanag nito, humihirit ng dagdag na singil ang NAPOCOR para magkaroon ng sapat na pambili ng krudo sa generators na siyang nagsusuplay naman ng kuryente sa mga malalayong isla sa bansa.
Sakaling maaprubahan ito, tinatayang 15 sentimo kada kilowatt hour ang madaragdag sa electric bill ng mga consumer.
Kaugnay nito, hinikayat naman ni ERC Chair Dimalanta ang publiko na maging matipid sa pagkonsumo ng kuryente at itaguyod ang energy efficiency lalo ngayong malapit na ang panahon ng tag-init.
Kadalasan kase aniyang tumataas talaga ang singil sa kuryente tuwing tag-init dahil sa mataas na demand at manipis na suplay sa kuryente. | ulat ni Merry Ann Bastasa