Nagbabala si House Ways and Means Committee Chair Joey Salceda sa posibleng pagsulpot ng iba’t ibang mga sakit na kaakibat ng mainit na panahon.
Kasunod na rin ito ng anunsyo ng PAGASA sa posibleng pag-iral ng El Niño.
Kailangan aniyang maging handa ang Department of Health (DOH) sa pagtugon sa sakit gaya ng cholera, Chikungunya, Zika virus, at ang nananatili pa ring COVID-19.
“Tropical diseases can be particularly problematic. Global studies indicate a spike of between 2.5% to 28% in cases during El Nino activities. El Nino is a hotbed for epidemics – climate is warmer than usual, and people have less water available,” saad ng mambabatas.
Payo ng Albay solon, atasan ang mga LGU na maglinis, ihanda ang mga ospital sa pagtugon sa tropical disease at pangunahan ng DOH ang koordinasyon sa pagpapatupad nito.
Pinakamahalaga naman aniya ay maipasa na ng Senado ang CDC Bill para sa full-time at dedicated staff na nakatutok sa disease control at prevention.
Dahil sa sinertipikahan na aniya ito ng Pangulo bilang urgent ay umaasa ito na agad na maaksyunan ng Senado ang panukala oras na magbalik sesyon sa Mayo.
“The CDC would definitely add institutional muscle to our preparations, especially since El Nino could persist until 2024. Now that the Senate version has already been certified as urgent, I am hopeful that we will have a bill ready for President Marcos’s signature before he makes his second State of the Nation Address,” dagdag ni Salceda. | ulat ni Kathleen Jean Forbes