Nakabantay ng 24 oras ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang magbigay alalay sa mga motorista ngayong darating na Semana Santa.
Ito ang inihayag ng Inter-Agency Council on Traffic (I-ACT), kasunod ng pagkakasa nila ng “Night Shift” One-Stop-Shop Help Desk sa ilang mga piling terminal sa Kamaynilaan.
Kaagapay ng I-ACT ang mga operatiba ng Philippine Coast Guard (PCG), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) gayundin ang mga lokal na pamahalaan, para maghatid serbisyo sa mga motorista at pasaherong bibiyahe sa mga panahong ito.
Magpapatupad din ang I-ACT ng random at spot inspection, upang matiyak ang road worthiness ng mga bumibiyaheng public utility vehicles (PUVs).
Matatagpuan ang mga One-Stop-Shop Help Desks sa mga terminal ng Five Star (Montreal); Victory Liner (EDSA Southbound); DLTB (Buendia Taft, Pasay); Five Star (Pasay Tramo); GV Florida (Lacson, Manila); at Victory Liner (Caloocan). | ulat ni Jaymark Dagala