Bilang pakikiisa sa National Women’s Month, ibinida ngayong araw ng Philippine Broadcasting Service- Gender and Development Committee ang ilang inisyatibo nitong kumikilala sa kontribusyon ng mga kababaihan.
Pinangunahan ni PBS-BBS Director General Rizal Giovanni Aportadera Jr. at Deputy Director General Joan Marie Domingo na siyang tumatayo ring GAD Chairperson ang official launching at unveiling ng PBS Director’s Wall, GAD Legacy Wall at GAD Help Desk na kauna-unahan sa kasaysayan ng PBS.
Dumalo rin dito sina PCO Asec. Francisco Rodriguez at Philippine Commission on Women OIC Deputy Director for Management Services Honey Castro.
Sa kaniyang talumpati, kinilala ni DDG Domingo ang tagumpay ng mga dating pinuno ng PBS-GAD at lahat ng mga opisyal at kawani na nagtulak ng iba’t ibang programa para maisulong ang gender equality at inclusivity sa ahensya.
Tinukoy nitong sa 35 station managers sa PBS, 23 ang mga babae, patunay na nananaig ang pagkakapantay pantay sa ahensya.
Binati naman ng PCW ang PBS sa inisyatibo nito na makatutulong aniya sa pagsusulong ng Magna Carta of Women at Gender and Development Budget Policy.
Tampok sa Director’s at GAD Legacy wall ang mga larawan ng dati at kasalukuyang pinuno ng PBS-BBS
Bida rin dito ang ilang women leaders ng ahensya at mga inisyatibong itinataguyod ng Gender and Development Committee.
Hinihikayat naman ng ahensya ang mga kababaihan na dumulog sa GAD Help Desk sa anumang concerns na may kaugnayan sa kanila. | ulat ni Merry Ann Bastasa