Hindi pabor sa Sen. Bong Go sa ilang repormang itinutulak sa pension system sa hanay ng mga militar at iba pang uniformed personnel sa bansa.
Komento ito ng senador sa pahayag ni Finance Secretary Benjamin Diokno na ireporma ang pension system para sa military and uniformed personnel (MUP) sa ilalim ng administrasyong Marcos.
Sa panayam sa media, sinabi ng senador na partikular na tutol ito sa itinutulak sa mandatory contribution sa uniformed personnel at pagtatanggal ng automatic indexation ng pension sa ranggo ng mga magreretiro.
Ayon kay Sen. Go, bagamat nauunawaan nito ang hangarin ng finance manager sa panukalang ito, hindi naman aniya dapat na balewalain din ang kapakanan ng mga nasa militar.
Dapat aniyang maisaalang-alang din ang sakripisyo ng mga sundalo dahil buhay ang kanilang itinataya para mapanatili ang seguridad at kapayapaan sa bansa.
Ayon pa sa senador, kung itutulak ang reporma ay para na ring binawi ang dagdag sahod na ipinagkaloob sa mga uniformed personnel noong Duterte admin.
Nauna nang ipinunto ni Finance Sec. Benjamin Diokno na kailangan na ipatupad ang reporma sa pagpepensyon ng mga sundalo bago pa magkaroon ng ‘fiscal collapse’. | via Merry Ann Bastasa