Inaaasahan ng pamahalaan na mababawasan o tuluyang mawawala na ang mga insidente ng pananabotahe o pambo-bomba sa transmission grid sa bansa, lalo na sa mga liblib na lugar.
Pahayag ito ni NGCP Spokesperson Cynthia Alavanza kasunod ng nalagdaang Memorandum of Understanding sa pagitan ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at National Intelligence Coordinating Agency (NICA).
Layon ng MOU na ito na protektahan ang bansa laban sa posibleng cyber-attacks.
Sa briefing ng Laging Handa, ipinaliwanag ng opisyal na mas pinatibay kasi ng MOU ang information exchange sa pagitan ng NICA at NGCP.
Ibig sabihin, bukod sa posibleng intelligence information na matataggap nila sa cyber security, nariyan rin aniya ang intel on ground na makatutulong upang ma-secure o bantayang maigi ang mga transmission facility.
Sinabi ng opisyal na ang MOU na ito ay magandang development sa pakikipag-ugnayan at pakikipagtulungan ng NGCP sa gobyerno, upang siguraduhing maganda ang pambansang daluyan ng kuryente mula sa transmission networks. | ulat ni Racquel Bayan