Kinuwestiyon ni Senate President Juan Miguel Zubiri kung bakit hindi pa nailalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng Public Services Act, Retail Trade Liberalization Act, at Foreign Investments Act.
Matatandaang layon ng naturang mga batas na makapasok sa Pilipinas ang mas maraming foreign investments.
Giit ni Zubiri, isang taon na ang lumipas mula nang maaprubahan ang mga batas na ito pero hindi pa ito naipatutupad.
Ipinunto ng senador na ang National Economic and Development Authority (NEDA) ang naatasang bumuo at siyang dapat na maglabas ng IRR ng mga batas.
Ngunit nang matalakay aniya nila ito sa meeting ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) ay sinabi ng Executive branch na may mga ahensya pang hindi pa nakapagbibigay ng komento tungkol sa mga batas.
Matatandaang idinadahilan ng ilang senador ang tatlong batas na ito kaya hindi sila sang-ayon sa pag-amyenda sa economic provision ng Saligang Batas.
Para sa ilang senador, sapat na ang mga batas na ito para makahikayat ng mas maraming mamumuhunan at mapalago ang ekonomiya ng Pilipinas. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion