Suportado ng mga manggagawa ang isinusulong ngayong panukala sa kamara na ₱750 na pangkalahatang pagtaas sa arawang sahod ng mga manggagawa sa pribadong sektor.
Ilan sa mga manggagawang nakapanayam ng Radyo Pilipinas team sa Quezon City, sang-ayon na napapanahon nang itaas ang sweldo ng mga manggagawa lalo’t mataas pa rin ang presyo ng bilihin ngayon.
Kabilang dito sina Ramlet at Ruben na kapwa minimum wage workers at aminadong hirap pagkasyahin ang sinusweldo sa ngayon.
Bagamat positibo naman ang reaksyon ng mga ito sa panukala, aminado sila na masyadong malaki ang inihihirit na dagdag umentong ito at aalmahan ng mga employer.
Sa karanasan daw nila, kung mapagbibigyan man ang umento ay baka maliit lang o hindi pa aabot sa ₱100.
Kaya naman hindi na raw sila masyadong aasa rito sa panukala at dodoblehin na lang ang diskarte at pagkayod. | ulat ni Merry Ann Bastasa