Pinatitiyak ni Act Teacher’s Party-list Representative France Castro sa lahat ng mga eskwelahan ang kaligtasan ng mga estudyante tuwing may drills at outside activities.
Ayon kay Rep. France Castro, dapat siguruhin ang safety ng lahat tuwing may fire at earthquake drill.
Ginawa ng lady solon ang pahayag matapos ang insidente sa Cabuyao, Laguna, na may mga nahimatay na mga estudyante, nabilad sa initan sa gitna ng napakatinding init ng araw habang nagsasagawa ng fire drill.
Nakakalungkot aniya na imbes na paghahanda sa laban sa sakuna ang aktibidad ay naging sanhi ng pagkakasakit ng mga mag-aaral.
Nanawagan din ito sa mga eskwelahan, na makipag-ugnayan sa mga local government unit (LGU) o disaster management council o lokal na Bureau of Fire Protection, upang maging handa sa pangangailangan.
Hinimok din ng lady solon ang Department of Education, na panatilihin ang 35 bilang ng mga estudyante sa kada classroom upang maiwasan ang parang sardinas na sitwasyon. | ulat ni Melany Valdoz Reyes