Umapela si Negros Oriental Representative Arnulfo ‘Arnie’ Teves Jr. na bawiin ang ipinataw na suspensiyon sa kanya ng Kamara.
Sa pamamagitan ng legal counsel nito na si Atty. Ferdinand Topacio, isang liham ang ipinadala sa House Committee on Ethics and Privileges upang iapela na mabawi ang pagkakasunspinde ng mambabatas.
Kinuwestiyon din ng panig ng kinatawan, kung maituturing bang disorderly behavior ang kaniyang hindi pag-uwi ng Pilipinas sa kabila ng napasong travel authority.
Muling iginiit ni Teves ang banta sa kaniyang buhay at seguridad kaya’t hindi pa rin umuuwi.
Bagay na hindi naman aniya masasabing makakasira sa dignidad, integridad at reputasyon ng institusyon.
Bukod dito, kahit hindi pisikal na makadalo ay handa pa rin naman aniya itong makibahagi sa sesyon.
Ang naturang liham ay natanggap ng Office of the Speaker, Lunes, March 27. | ulat ni Kathleen Forbes