Nagpasaklolo na ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Justice (DOJ )at Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT).
Ito ay para sa kasong forced labor na ihahain ng 36 na Pilipinong mandaragat na nabiktima ng human trafficking sa Namibia laban sa kanilang manning agency.
Ayon kay Migrant Workers Secretary Susan “Toots” Ople, lumiham na siya kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla para idulog ang kaso, lalo at batay sa isinumiteng affidavit ng 26 na repatriated fishermen, pinaniwala silang makapagtatrabaho sa Taiwan.
Subalit laking gulat na lamang ng mga ito nang dalhin sila sa Namibiana nasa rehiyon ng Africa, upang doon mangisda hanggang sa sila ay hulihin ng Namibian authorities dahil sa iligal na pangingisda sa kanilang territorial waters.
Sinabi rin ni Ople, na nangako na rin ang dalawang manning agencies na Trioceanic Manning & Shipping, Inc. at Diamond H Marine Services & Shipping Agency na babayaran nila ang mga suweldo ng mga nagrereklamo.
Iniimbestigahan na rin ng DMW ang principal employers na Shang Chi Enterprise Ltd, One Marine Services, Inc. at Arrow Marine PTE, Ltd. at nanganganib nang mailagay sa blacklist o permanenteng hindi na makakukuha ng mga Pilipino. | ulat ni Jaymark Dagala