Inihayag ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na nakausap na niya ang mga local officials ng apat na lugar na maidaragdag sa gagawing Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA.
Ito’y sa harap ng sinasabing pagtutol ng mga kinauukulang lokal na pamahalaan para isakatuparan ang EDCA.
Ayon sa Pangulo, kanya nang napagpaliwanagan ang mga hindi muna binanggit na mga local executives tungkol sa kahalagahan ng EDCA at kung ano ang mabebenepisyo ng kanilang lokalidad ukol dito.
Nauunwaan na aniya ng mga kinauukulang LGU ang importansiya ng EDCA at kabutihang idudulot nito kaya’t nauwi pa nga, sabi ng Pangulo, na ito’y suportahan ng mga dating kumukontra sa ideya ng EDCA.
Matatandaang inaprubahan ni Pangulong Marcos Jr. noong isang buwan ang US troops para magkaroon ng access sa apat pang military camps maliban sa una nang limang lokasyon sa bansa.
Kaugnay nito’y nakatakda ring isagawa ng Pilipino at American troops ang sinasabing pinakamalaking military exercise sa susunod na buwan. | ulat ni Alvin Baltazar