Tuloy ang pagpapatupad ng Land Transportation Office (LTO) ng bagong rates sa driving schools pagsapit ng April 15.
Sa isang pahayag, sinabi ni LTO Chief Assistant Secretary Jay Art Tugade na hindi na maaaring ibitin ang pagpapairal ng Memorandum Circular JMT-2023-2390 dahil tugon ito sa panawagan ng publiko para mas maging abot-kaya ang pagkuha ng lisensya ng pagmamaneho.
“Sadya nating itinulak ang pinamurang halaga ng driving school courses upang mabigyan ng pagkakataon ang maraming nais na magkaroon ng driver’s license para sa kanilang hanapbuhay pero hindi lang maipursige dahil sa mataas na singilin sa ngayon,” ani Tugade.
Kasabay nito’y naninindigan ang LTO Chief na dumaan sa mga konsultasyon at makatwirang “cost-analysis” ng Technical Working Group (TWG) ang itinakdang maximum prescribe rates para sa mga driving school.
Samantala, sa usapin ng 8-oras na Practical Driving Course (PDC), binigyang diin ni Tugade na tanging ang LTO lang ang makatutukoy kung sapat o kulang ang walong oras na pagsasanay upang matuto at masubok ang kakayahan ng isang aplikante sa ligtas na pagmamaneho.
“The determination of whether the duration of 8 hours is sufficient to produce a qualified driver ultimately falls within the competence of the LTO since the ability of an applicant to drive safely is assessed during the practical examination administered by LTO driving skill raters,” dagdag pa ni Tugade.
Hindi naman aniya ipinagbabawal ng LTO ang mga driving school na mag-alok ng value-added services tulad ng hatid-sundo, ngunit kailangang pasok pa rin ito sa itinakdang halaga ng ahensya.
Sa ilalim ng MC, hanggang ₱1,000 lang ang pwedeng singil sa theoretical driving course, ₱2,500 naman sa practical driving course sa motorsiklo habang ₱4,000 sa practical driving course para sa light vehicle driving. | ulat ni Merry Ann Bastasa