Pinagtataka ni Senate Majority Leader Joel Villanueva ang dahilan ni Senador Robin Padilla sa paglalabas nito ng kanyang liham sa senate leadership patungkol sa hiling nitong magkaroon ng meeting ang Senado at Kamara patungkol sa panukalang economic charter change (cha-cha).
Una nang ibinahagi ni Padilla na nagpadala siya ng liham kina Senate President Juan Miguel Zubiri , Senate President Pro Tempore Loren Legarda, Majority Leader Villanueva at Minority Leader Koko Pimentel para hikayatin silang magkaroon ng collaborative effort kasama ang mga kongresista kaugnay ng panukalang cha-cha.
Ayon kay Villanueva, napag-usapan na noon sa ginawang caucus ng mga senador na makakaabot sa plenaryo ng mataas na kapulungan ang panukalang cha-cha kung makakabuo ng committee report ang Senate Committee on Constitutional Ammendments at kung makakakuha ito ng sapat na pirma mula sa mga senador na miyembro ng naturang kumite.
Ito aniya ay base sa rules ng senado at ito ang lagi nilang susundin.
Sinabi rin ni Villanueva na bilang isang collegial body, ang anumang pagtatawag ng meeting ay manggagaling sa kanilang leader – si Senate President Juan Miguel Zubiri.
Matatandaang naaprubahan na sa Kamara ang kanilang bersyon ng panukalang cha-cha sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con) habang nasa committee level pa ang panukalang economic cha-cha sa pamamagitan ng Constituent Assembly (Con-Ass) ni Padilla. | ulat ni Nimfa Asuncion