Nanawagan si Senador Robin Padilla kay Negros Oriental 3rd District Representative Anrulfo ‘Arnie’ Teves Jr. na umuwi na ng Pilipinas at harapin ang mga kasong ibinabato laban sa kanya at ipagtanggol ang kanyang sarili.
Ito ay kaugnay ng pagkakasangkot ni Teves sa pamamaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo.
Sinabi ni Padilla na bilang dati na ring nakulong dahil sa illegal possession of firearms, ang maipapayo niya sa kapwa mambabatas na matapos ang kanyang pagninilay-nilay ay mainam na harapin na nito ang isyu at bigyan ng pagkakataon na depensahan ang kanyang sarili.
Ipinunto pa ng senador na malinaw naman na nakasaad sa saligang batas na inosente pa ring maituturing si Teves kaya may pagkakataon ang kongresista na patunayan ang kanyang sarili.
Hiniling naman ni Padilla sa publiko na huwag munang husgahan ang kongresista kaugnay ng naturang krimen dahil wala pa namang nagaganap na paglilitis at hindi pa napapatunayang ito nga ang mastermind sa pagpatay kay Degamo. | ulat ni Nimfa Asuncion