Positibo ang administrasyong Marcos na lalakas ang Pilipinas sa larangan ng competitiveness kasunod ng nasa halos 200 bagong infrastructure flagship projects na inaprubahan kamakailan na nagkakahalaga ng siyam na trilyong piso.
Ayon kay National Economic and Development Authority (NEDA) Director General Arsenio Balisacan, malaking hakbang ang nakalinyang mga proyektong imprastraktura ng administrasyon para tumaas ang competitiveness ng Pilipinas at ito’y sa gitna na rin ng pilit na inaabot ng pamahalaan na maging prime investment destination sa rehiyon ang Pilipinas.
Kaugnay nito, sinabi ni Balisacan na sisikapin nilang magkaroon ng market integration para mas dumami pa ang oportunidad sa local industries at mapalakas pa ang pagiging productive ng mga nasa labor force.
Ang lahat ng ito ayon sa NEDA chief ay bahagi ng pagnanais ng Marcos administration na maipagkaloob ang mataas na kalidad na pamumuhay para sa mga Pilipino.
Ito, partikular na, ang pagkakaroon ng matatag, maginhawa, at panatag na buhay ang mga Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar