Inamin ng Maynilad na malaki ang posibilidad na magkaroon ng mas mahabang water service interruption at makaapekto sa mas marami pang customer, kung hindi mapagbibigyan ang hirit sa National Water Resources Board (NWRB) na madagdagan ang alokasyon ng tubig sa Angat dam.
Ayon kay Maynilad Head of Water Supply Operations Ronald Padua, ito lang ang nakikita nilang agarang solusyon para mapunan ang inaasahang kakulangan ng suplay ng tubig lalo’t hindi na rin pumayag ang Manila Water sa 60 percent na alokasyon nila ng tubig sa Angat Dam.
Dagdag pa nito, nasa 300 milyong litro ng tubig kada araw ang nababawas sa kanilang alokasyon dahil sa mga leak sa aqueducts o tubo ng tubig na nagmumula sa dam patungo sa La Mesa Portal.
Mula sa kasalukuyang 50 cubic meters/sec, hinihiling ng Maynilad na itaas sa 52 cubic meters per second ang alokasyon ng tubig para sa buwan ng Abril at Mayo.
Sakaling hindi ito mapagbigyan ay maaaring magresulta aniya ito sa mas maraming lugar sa Metro Manila na makaranas ng hanggang 14 na oras na walang tubig. | ulat ni Merry Ann Bastasa