Sinabihan ni Senador Jinggoy Estrada ang mga lokal na pamahalaan na apektado ng oil spill sa Oriental Mindoro na obligahin ang may-ari ng MT Princess Empress na magbayad para sa pinsalang idinulot ng oil spill mula sa naturang barko.
Matatandaang sa naging pagdinig sa senado, ibinahagi ni Oriental Mindoro Governor Humerlito Dolor na wala pang direktang assistance na ibinibigay ang may-ari ng lumubog na oil tanker sa mga residenteng apektado ng naturang insidente.
Una na rin aniyang tinanggihan ni Pola, Oriental Mindoro Mayor Jennifer Cruz ang tulong mula sa kumpanya dahil sa delayed response nito sa mga katanungan ng residente tungkol sa ayuda.
Dapat aniyang sulatan ng mga local government unit ang kumpanya para imandato silang magbayad-pinsala.
Base sa huling pagtaya, higit 31,000 na pamilya sa MIMAROPA region at Western Visayas ang apektado ng oil spill.
Apektado na rin ang kabuhayan ng nasa 13,654 na mga magsasaka at mangingisda at maging ang sektor ng turismo sa mga lugar na ito. | ulat ni Nimfa Asuncion