Isasailalim sa forensic testing ng Philippine National Police (PNP) ang mga armas na narekober ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) sa compound ni dating Negros Oriental Governor Pryde Henry Teves sa Sta. Catalina, Negros Oriental.
Sa pulong balitaan ng Special Task Group Degamo sa Camp Crame, sinabi ni PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr., na ito ay para malaman kung ginamit ang mga ito sa mga dating insidente ng karahasan sa Negros Oriental.
Ayon sa PNP chief, malinaw na hindi dapat nasa posesyon ng ordinaryong mamamayan ang ganoong karaming armas at bala.
Sinabi naman ni Special Task Group Degamo Chairperson, Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. na sa mga narekober na sniper rifle at improvised explosive device pa lang, malalaman na may masamang binabalak ang may-ari ng mga ito.
Sinegundahan naman ito ni Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Andres Centino at sinabing base sa dami at klase ng mga matataas na uri ng armas, maaring masabi na ginamit ang mga ito sa iligal na aktibidad. | ulat ni Leo Sarne