Kasado na nga ang mga paghahanda para sa kauna-unahang Summer Metro Manila Film Festival (MMFF) na sisimulan ng Parade of Stars na gagawin sa Quezon City sa Abril 2.
Ito ang inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) kasunod ng paglagda ng Memorandum of Agreement sa Film Development Council of the Philippines (FDCP), ngayong araw.
Pinangunahan ni MMDA Acting Chairperson at MMFF Over-all Chair Atty. Romando Artes, ang paglagda ng nasabing kasunduan kasama si MOWEL Fund Chairperson Boots Anson-Rodrigo bilang kinatawan ni FDCP President Tirso Cruz III.
Dito ay kanilang sinelyuhan ang pagkakaloob ng marketing grant na nagkakahalaga ng P300,000 na ipararaan sa CreatePH Films ng FDCP.
Binigyang diin ni Atty. Artes, magandang pagkakataon ang pagkakasa ng Summer MMFF upang matulungan ang industriya ng Pelikulang Pilipino na apektado ng COVID-19 pandemic.
Sa Abril 2, ganap na alas-4 ng hapon gagawin ang parade of stars mula sa Villa Beatriz patungong liwasang Aurora sa Quezon Memorial Circle.
Nasa walong pelikula ang mga kalahok na kinabibilangan ng Apag; Singlebells; About Us But Not About Us; Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko; Unravel: A Swiss Side Love Story; Here Comes The Groom; Yung Libro Sa Napanuod Ko; and Love You Long Time.
Ipalalabas ang mga pelikulang kalahok mula Abril 8 hanggang 18 sa pakikipagtulungan sa Cinem Exhibitors Association of the Philippines.
Habang isasagawa naman ang gabi ng parangal sa Abril 11 sa New Frontier Theater. | ulat ni Jaymark Dagala