Sumabak sa training o refresher course ang mga motorcycle rider ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na magsisilbing trainers ng ilulunsad na Motorcycle Riding Academy.
Bumisita si MMDA Assistant General Manager for Operations Atty. Victor Pablo Trinidad sa training na ginanap sa Clark International Speedway sa Mabalacat, Pampanga.
Sinabi ni Trinidad, na malaking tulong ang refresher course dahil sila ang magtuturo ng basic skills sa mga nais matutong mag-motorsiklo.
Sampung instructors ang itatalaga sa Motorcycle Riding Academy at bawat batch ay nasa 50 participants.
Magkakaroon aniya ng libreng beginner at advanced training sa sandaling buksan na ang academy, na ang target ay sa Abril.
Inaasahan din ni Trinidad na mababawasan ang aksidente sa kalsada sangkot ang mga motorsiklo, lalo at sa datos ng MMDA noong 2022 ay 263 ang naitalang kaso.
Binigyang-diin naman ng head coach ng Watanabe Riding Development na si Dashi, na hindi sapat ang pagiging marunong sa pagmamaneho ng motorsiklo dahil nangangailangan ito ng wastong kaalaman at required gears. | ulat ni Hajji Pantua Kaamiño