Handa na ang Manila Police District (MPD) sa idaraos na Licensure Examination for Professional Teachers (LEPT) ngayong taon sa Lungsod ng Maynila.
Nakipag-ugnayan na si MPD Director Police Brig. Gen. Andre Dizon sa Professional Regulations Commission (PRC) para sa mga ilalatag na seguridad.
Nalaman kay Dizon na nagtalaga na siya ng 100 personnel ng MPD upang magbantay sa nasabing examination na idaraos sa Marso 19, Linggo sa anim na venue sa Maynila.
Kabilang sa mga eskuwelahan na tututukan ng MPD ay ang Emilio Aguinaldo College (EAC), University of Sto. Tomas (UST), San Beda College (SBC), Arellano University (AU), University of the East (UE) at San Sebastian College (SSC).
Magsisimula ang pagsusulit alas-8 ng umaga at matatapos ng alas-5 ng hapon at ayon kay Gen. Dizon, magbabantay at magmo-monitor ang puwersa ng MPD hanggang sa matapos ang eksaminasyon.
Katuwang ng MPD sa pagpapanatili ng kaayusan at kapayapaan ang mga tauhan ng barangay at ilang tanggapan ng lokal na pamahalaan ng Maynila para masigurong maayos ang pagsusulit. | ulat ni Lorenz Tanjoco