Nakatakdang mag-set up ang Metropolitan Manila Development Authority ng Multi-Agency Command Center upang tiyakin ang mapayapa at makabuluhang paggunita sa Semana Santa.
Ilulunsad ang MACC sa April 3 sa Metrobase na binubuo ng mga kinatawan mula sa MMDA, DOTr, DPWH, LTFRB, Inter-Agency Council for Traffic, LTO, PNP at local government units.
Sisimulan ang “Oplan Metro Alalay Semana Santa 2023” sa Miyerkules Santo hanggang April 10 at magpapakalat ng 2,104 na mga tauhan.
Mula Lunes Santo hanggang Huwebes Santo ay imo-monitor ng MACC ang actual status ng major transport hubs partikular ang bus terminals dahil dito inaasahan ang pagdagsa ng mga pasahero.
Ayon kay MMDA Acting Chairman Atty. Romando Artes, makatutulong ang command center sa mas mabilis at may koordinasyon na traffic management response lalo’t mababantayan ang status ng key transport hubs at pangunahing lansangan sa pamamagitan ng CCTVs.
Ikakasa rin ang inter-agency terminal inspection ilang araw bago ang Holy Week samantalang naghahanda ang MMDA at LGUs sakaling may mga ma-stranded na pasahero at magde-deploy ng ambulansya at tow trucks. | ulat ni Hajji Kaamiño