Nagpatawag na ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS) ng high-level meeting sa mga stakeholder nito kung saan inaasahang matatalakay ang mga inanunsyong water interruption ng Maynilad na nakakaapekto sa ilang customer sa Metro Manila.
Ayon kay MWSS Administrator Leonor Cleofas, nais nilang malaman at maintindihan ang panig ng Maynilad kung bakit nagpatupad ito muli ng water interruption.
Sa panig ng MWSS, tiniyak naman nitong may sapat na suplay ng tubig sa Metro Manila ngayong tag-init hanggang katapusan ng taon sa kabila ng banta ng El Niño.
Katunayan, nasa “comfortable level” aniya ang tubig sa Angat Dam kaya walang magiging aberya sa pagsusuplay nito sa Metro Manila
Nauna nang sinabi ng Maynilad na ang inanunsyo nitong daily water service interruption ay hakbang para masimulan na ang paghahanda sa paparating na El Niño. | ulat ni Merry Ann Bastasa