Naniniwala ang National Capital Region Police Office (NCRPO) na hindi dapat pinipilit ang media sa pagpapapirma ng drug inventory form bilang saksi sa drug operation.
Ginawa ang pahayag kasunod ng insidente sa Maynila na nagkainitan ang mga kagawad ng Media at National Bureau of Investigation (NBI).
Ayaw pumirma ng mga media na nag-cover sa drug operation dahil hindi naman nila inabutan ang operasyon.
Ayon kay NCRPO Chief Edgar Allan Okubo hindi siya sang-ayon sa pwersahang pagpapapirma sa media sa drug inventory.
Dapat bago pa lang aniya ikasa ang operasyon ay may nakausap ng media para hindi na mahirapang maghanap na pipirma.
Naniniwala si Okubo sa kahalagahan ng media bilang saksi sa isinasagawang drug operation para makatulong sa pagsasampa ng kaso sa suspek habang maprotektahan naman ang suspek sa totoong nangyari sa operasyon. | ulat ni Don King Zarate