Magpapatupad na rin ng No Leave Policy at cancelled day off ang Philippine Ports Authority (PPA) para sa mga frontliner nito, bilang paghahanda sa Semana Santa, lalo’t tinatayang nasa 2.2 milyon na pasahero ang inaasahang dadagsa sa mga pantalan.
Higit na mas mataas ito, kumpara sa 1.2 milyong pasahero na naitala noong 2022, sa kaparehong panahon.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni PPA Spokesperson Eunice Samonte, na sa Linggo pa lamang (April 2), inaasahan na nila ang dagsa ng pasahero.
Magtatagal aniya ito hanggang sa Linggo ng Pagkabuhay (April 9).
Nakatutok aniya sila sa limang pangunahing pantalan, kabilang ang sa Batangas, Iloilo, Oriental Mindoro, Jordan sa Guimaras, at Babak sa Davao.
Kaugnay nito, nagpaalala ang opisyal sa mga pasahero na planuhing maigi ang kanilang pag-biyahe, at maagang tumungo sa mga pantalan, upang maiwasan ang abala ng mahabang pila. | ulat ni Racquel Bayan