Magbibigay ng pabuya ang mga awtoridad para sa pagdakip ng nalalabing suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at walong iba pa.
Ayon kay Philippine National Police (PNP) Spokesperson Police Col. Jean Fajardo, hinihintay na lang ang pormal na anunsyo ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos Jr. at PNP Chief Police General Rodolfo Azurin Jr. kaugnay nito.
Sa pamamagitan nito ay inaasahang mapapabilis ang paghuli sa pinaniniwalaang lima pang miyembro ng grupo, kasama ang kanilang lider, na direktang lumahok sa pag-atake at pagpatay sa gobernador noong March 4 sa loob ng kanyang bahay.
Ayon kay Fajardo, kilala na ng PNP ang mga pinaghahanap na suspek base sa impormasyong nakuha sa apat na suspek na kasalukuyang nasa kustodiya ng mga awtoridad.
Binalaan naman ni Fajardo ang mga at large na suspek na kung hindi sila susuko ay malamang ipapatay sila ng mastermind ng krimen, para patahimikin. | ulat ni Leo Sarne