Kinumpirma ng Sugar Regulatory Administration (SRA) na pinayagan na ng Malacañan ang pagbebenta ng mga nasabat na smuggled asukal sa Kadiwa stores ng Department of Agriculture (DA).
Kabilang rito ang nasa 4,000 metric tons na puting asukal mula Thailand na nasabat sa Batangas Port noong Enero at ang nasa 780,000 kilos ng refined sugar na nasamsam rin sa Port of Subic nito lamang March 15.
Ayon kay SRA Board Member Paul Azcona, may memo na mula sa Malacañan na nagbibigay pahintulot mai-donate sa DA ang mga smuggled na asukal at maibenta ito sa murang halaga sa Kadiwa.
Dagdag pa ng opisyal, posibleng maibenta ang mga nasabat na asukal sa halagang ₱70 kada kilo na karaniwang bentahan nito sa Kadiwa Stores.
Kaugnay nito, ay nagpasalamat naman ang SRA sa maigting na operasyon ng DA laban sa smuggling ng agri commodities gaya ng asukal dahil karaniwan aniyang isinasabay talaga ang pagpupuslit ng mga smuggled asukal sa tuwing may mga inaasahang parating na imported.
Batay sa pinakahuling monitoring ng DA Bantay-Presyo, naglalaro sa ₱86-₱110 ang presyo ng kada kilo ng refined sugar, ₱82-₱95 naman ang kada kilo ng washed sugar sa mga merkado sa Metro Manila. | ulat ni Merry Ann Bastasa