Tuloy pa rin sa pagdaraos ng committee meeting at hearing ang Kamara kahit pa naka-break na ang Kongreso.
Bago mag-adjourn ang Mababang Kapulungan nitong Miyerkules, March 22, ay nagmosyon si House Majority Leader and Zamboanga City Representative Manuel Jose “Mannix” Dalipe na bigyang awtorisasyon ang mga komite na magdaos ng mga pagdinig kung kinakailangan.
Ito ay upang matiyak na matutukan pa rin ang priority measures ng administrasyon kahit naka-Holy Week break.
“We authorized our committees to continue working during the recess consistent with the firm commitment of the House of Representatives to approve priority measures agreed upon in the LEDAC (Legislative-Executive Development Advisory Council) meetings that would give flesh to the 8-Point Socio-Economic Agenda of the national government,” saad ni House Speaker Martin Romualdez.
Sa kasalukuyan 23 sa 31 LEDAC priority bills ang napagtibay na ng Kamara.
Dalawa dito ang batas na at dalawa ang niratipikahan at maaari nang i-akyat sa tanggapan ng Pangulo. | ulat ni Kathleen Jean Forbes