Dapat magkaroon ng contingency plan ang pamahalaan at ang bawat lokal na pamahalaan sa iba’t ibang klase ng sakuna o kalamidad na maaaring mangyari sa bansa.
Ito ang apela ni Senador Sherwin Gatchalian matapos ang nangyaring oil spill sa Oriental Mindoro na nakakaapekto na sa kabuhayan at kalusugan ng mga residenteng apektado nito.
Binigyang diin ni Gatchalian na dapat may nakahandang plano ang gobyerno sa anumang uri ng kalamidad o sakuna at magsilbing leksyon na ang nangyaring trahedyang ito sa karagatan.
Nagpahayag rin ng pagkabahala ang senador na kung hindi agad matutugunan ang sitwasyon ay maaaring tumaas pa ang bilang ng mga residenteng magugutom at mawawalan ng trabaho, lalo’t kapwa na apektado ang pangingisda at turismo sa mga apektadong lugar ng oil spill.
Bukod sa Oriental Mindoro, may banta na ring umabot ang oil spill sa Romblon at Aklan, kung saan matatagpuan ang Boracay Island. | ulat ni Nimfa Asuncion