Itinutulak ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers ang pagbuo ng isang departamento na tututok sa artificial intelligence o AI.
Aniya, sa kabila ng maraming benepisyo ng AI, ay mayroon din itong mga hamon at banta na kailangang bantayan.
Sa inihain nitong panukala, magtatatag ng isang Artificial Intelligence Development Authority (AIDA) na mangunguna sa pagbuo at pagpapatupad ng isang national AI strategy.
Layunin nito na isulong ang research and development sa AI, suportahan ang paglago ng AI-related industries, at linangin ang manggagawang Pilipino sa paggamit ng AI.
Magsisilbi ring watchdog o tagapagbantay ang AIDA laban sa mga indibidwal o grupo na gagamitin o gumagamit ng AI para sa krimen o iba pang masamang gawain.
Nakapaloob din sa panukala ang pagbibigay proteksyon sa privacy of data at iba pang personal na impormasyon gayundin ang pagkakaroon ng ligtas, secured, at transparent na AI systems.
“It outlines the principles of responsible AI usage and development which include transparency, fairness, accountability, and privacy. It likewise requires organizations that develop or deploy AI technologies to adhere to these principles and to conduct risk assessments and impact analyses before deploying their technologies,” saad ni Barbers. | ulat ni Kathleen Jean Forbes