Magtatayo ng Presidential Help Desk ang Marcos Administration upang tutukan ang mga financial at medical request for assistance na isinu-sumite ng publiko sa Office of the President (OP).
Ayon kay PCO Secretary Cheloy Velicaria – Garafil, ang help desk na ito ay tutulong sa mga umiiral nang health services at projects ng pamahalaan, sa pamamagitan ng pagbibigay ng accessible at direktang financial at medical assistance sa mga kwalipikadong benepisyaryo.
Ayon sa kalihim, sa unang anim na buwan ng Marcos administration, ang OP ay naka-tanggap ng 52,728 action documents mula sa publiko.
Mula sa bilang na ito, 20% ang mayroong kinalaman sa medical concerns o financial aid request para sa medical procedures at hospital bills.
Ang Presidential Action Center (PACe) ang mangangasiwa sa help desk na ito.
“The EO further noted that the head of the PACe will determine the appropriate staffing pattern and corresponding qualification standards for all the positions necessary to operate the Presidential Help Desk.” —Secretary Garafil.
Inaatasan ng Palasyo ang PACe na mag-sumite ng annual report sa Office of the Executive Secretary (OES), kaugnay sa operasyon ng Presidential Help Desk.
Pirmado ni Executive Secretary Lucas Bersamin ang EO no. 20, ika- 21 ng Marso, 2023. | ulat ni Racquel Bayan