Gumagawa na ng mga kaukulang hakbang ang National Capital Region Police Office o NCRPO.
Ito’y upang magampanan ng mga pulis sa Metro Manila ang kanilang tungkulin sa kabila ng matinding init ng panahon.
Sa kaniyang pagbisita sa Eastern Police District o EPD sa Pasig City ngayong araw, sinabi ni NCRPO Director, P/MGen. Edgar Allan Okubo na ikinukonsidera nila ang pagpapasuot ng kumportableng damit sa mga Pulis habang naka-duty.
Layon nitong mailayo ang mga Pulis sa mga peligrong dulot ng matinding init ng panahon partikular na ang atake sa puso o di kaya’y stroke.
Sinabi pa ng NCRPO Chief, may mga pagkakataon na sa nakalipas na niluwagan ang mga pulis sa pagsusuot ng uniporme upang mapanatili silang physically fit sa pagtupad sa kanilang tungkulin. | ulat ni Jaymark Dagala