Binigyang-diin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na hindi tumiitigil ang gobyerno sa pagtuklas ng mga hakbang para mas mapalawak pa ang mithiing mabigyan ng murang pabahay ang mga Pilipino.
Ayon sa Punong Ehekutibo, kabilang na dito ang pag-aaral sa kung paano mapopondohan ang proyektong pabahay ng kanyang pamahalaan.
Tinitingnan din sabi ng Presidente ang posibilidad na paggamit ng mga bakanteng lupa ng estado para mas maging malaki pa ang housing project ng administrasyon.
At sa harap ng target na maabot ang anim na milyong yunit na pabahay ng kanyang administrasyon ay ang panawagan sa iba’t ibang ahensiya ng pamahalaan na gawing matapat at transparent ang transaksiyon.
Panawagan din ng Punong Ehekutibo sa Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD), tuparin ang kanilang mandato at lumikha ng mga istratehiya at polisiya para sa maayos, mura, at matibay na pabahay para sa mga Pilipino. | ulat ni Alvin Baltazar
?: Office of the President