Aminado si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na marami pang dapat gawin ang pamahalaan tungo sa mithiin nitong makamtan ang food security sa Pilipinas.
Sa ambush interview sa pangulo, matapos mamahagi ng iba’t ibang government assistance sa Pili, Camarines Sur, sinabi ng pangulo na marami nang plano ang pamahalaan para dito.
Gayunpaman, inuuna aniya nilang tutukan ang pagpapababa muna ng presyo ng mga pangunahing bilihin, tulad ng sibuyas, bigas, at asukal.
“Marami pa. Ang nagyari talaga dito mula nung ako’y umupo ang ginagawa natin, hinabol namin ang presyo ng bilihin. So, parang puro emergency measures ang aming ginagawa, pero marami kaming pinaplano na hindi pa namin ma-implement dahil busy kami dito sa pabababin yung presyo ng sibuyas, pabababain ng presyo ng bigas, ng asukal, lahat ng gulay, iyong ang iniintindi namin.” —Pangulong Marcos.
Sa kasalukuyan aniya, sinisimulan na nilang ipatupad ang mga una nang binalangkas na sistema.
Kabilang na ang pagpapalakas sa value chain, pagpapaigting ng produksyon, at pagpapakilala at paggamit ng makabagong teknologiya sa sektor ng agrikultura.
“At isa rin ‘yung kakatapos lang namin na gumawa ng nationwide plan para sa fisheries para hindi na tayo mag-import at para bumaba ang presyo, lumaki ang production natin, baka mag-export pa tayo. At ‘yung sa bigas, mukhang alam na natin ‘yung sistema at ‘yung timing. ‘Yung asukal, dahan-dahan nakikita natin. ‘Yung onion, ‘yung sibuyas bumaba na, at saka ‘yung mga ibang gulay bumababa na. So ‘yun ang inaasahan natin na habang mas maganda ang sistema na ginagamit natin ay bababa ang presyo.” —Pangulong Marcos.
Ayon kay Pangulong Marcos, maraming hamon ang kinahaharap ng pamahalaan, bago maisakatuparan ang pagkakaroon ng food security ng Pilipinas, ngunit sila sa pamahalaan, patuloy rin sa paggawa ng mga paraan, upang malampasan ang mga ito. | ulat ni Racquel Bayan